Wala umanong dapat sisihin kapag tuluyang nabasura ang isinusulong na Bangsamoro Basic Law na nakabinbin ngayon sa Kongreso kung hindi ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), ayon kay Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano nitong Martes.
Ayon sa senador, hindi tapat ang liderato ng MILF sa isinusulong na usapang pangkapayapaan ng pamahalaan kasunod ng madugong sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao na tinawag na "misencounter."
Mahigit 40 kasapi ng elite Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) ang nasawi sa naturang engkuwentro sa tropa ng MILF noong Linggo.
“May it not be said that it was this administration, nor this Congress, that killed the Bangsamoro Basic Law but it is the MILF and its actions during and after this event which showed their lack of commitment to peace, development, and the rule of law,” pahayag ni Cayetano sa sulat na ipinadala nito kay Senate President Franklin Drilon.
Ang sulat ay naglalaman ng pormal na pagbibitiw ng suporta ni Cayetano bilang co-author sa BBL, na magiging gabay sa bubuuing Bangsamoro entity na papalit sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM).
Basahin: Doubtful of peace deal, Cayetano withdraws support for Bangsamoro Basic Law
Basahin: JV Ejercito also withdraws as co-author of Bangsamoro Basic Law
Ayon kay Cayetano, ang “masaker" na ginawa sa tropa ng PNP-SAF sa Mamasapano noong Enero 25, 2015 ang nagtulak sa kaniya para pagdudahan ang katapatan ng MILF na ipatupad ang "rule of law and democratic process."
Idinagdag niya na naging madali para sa MILF na bigyan katwiran ang umano'y masaker dahil sa paliwanag na hindi nakipag-ugnayan sa kanila ang pamahalaan na may isasagawang operasyon sa kanilang lugar.
“This is unacceptable,” giit ni Cayetano.
Idinagdag pa niya na nagawang punahin ng MILF ang pamahalaan sa kabiguan na makipag-ugnayan sa kanila, gayung hindi naman nila kinondena ang ginawang pag-atake ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) sa mga kasapi ng PNP-SAF.
Sinasabing ang BIFF, na splinter group mula sa MILF, ang unang nakasagupa ng mga pulis kaya napapunta ang mga ito sa teritoryo ng MILF at doon na nangyari ang sinasabing "misencounter."
“In fact, if the MILF had called the attention of the government to the presence of the suspected terrorist within their areas, and even apprehended him on its own, there would have been no need for the SAF (Special Action Force) to enter the territory,” anang senador.
“It is important to note that these members of the SAF entered the territory of the MILF not as combatants but as law enforcement agents upholding Philippine law and apprehending a suspected criminal, whose presence should presumably be cause for alarm by all peace-loving citizens,” dagdag niya
Una rito, iniulat na nagtungo sa Mamasapano ang tropa ng PNP-SAF upang arestuhin ang bomb expert na Jemaah Islamiyah leader na si Zulkifli bin Hir o Commander Marwan, na isang Malaysian.
Ilan taon nang sinasabing nagtatago sa Mindanao si Marwan na kabilang sa most wanter person din ng Amerika, na naglabas pa ng $5 milyon reward sa kaniyang ikadarakip.
Nilinaw naman ni Cayetano na hangad pa rin niya na magkaroon ng kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao pero ang pagbibitiw niya ng suporta sa BBL ay bunga nang naging aksiyon ng MILF na nauwi sa isang malagim na trahediya. — FRJ, GMA News