Pages

Search

Dalagitang ginahasa at sinaksak sa likod, nakauwi at nakapagsumbong sa ama

Ginahasa at nagtamo ng saksak sa likod ang isang dalagita sa Iloilo city. Sa kabila ng kaniyang sinapit, nagawa pa niyang makauwi at makapagsumbong sa kaniyang ama.

Sa ulat ni Nenita Hobilla ng GMA-Iloilo sa GMA News TV's Balitang Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing isinugod ng ama ang anak sa ospital matapos nitong ituro ang lugar kung saan siya ginahasa.

"Sabi niya, Papa, papa, ni-rape ako . Pagkatapos niya sa akin sabihin...sumama ang loob ko, niyakap ko siya at dinala ko siya ospital," kwento ng ama ng biktima.

Kaagad namang nagtungo ang mga pulis sa ilalim ng Forbes bridge sa Iloilo City, at doon nakita ang tsinelas, underwear at shorts ng biktima.

Batay na rin sa salaysay ng sugatang biktima, nangyari umano ang panghahalay sa kaniya nitong Lunes ng umaga dakong 10:00 a.m.

Kuwento naman ng nakakita sa biktima, naabutan niya itong umiiyak sa daan habang pauwi sa kanilang bahay.

Inakala daw nito noong una na kinagat lang ng aso ang biktima kaya may mga sugat sa likuran.

Pero nang malaman na ginahasa ito, agad na isinumbong nito sa pulisya ang nangyari.

Sinubukan pa raw sana nilang habulin ang suspek pero nakatakas na raw ito.

Base sa mga pahayag ng ilang saksi sa lugar, posibleng isang menor de edad din ang suspek sa panggagahasa sa biktima.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulisya. Samantala, nagpapagaling naman sa ospital ang biktima.

Isasailalim din siya sa counselling at medico legal examination. -- FRJ, GMA News